This blog consist of latest event about the city of balanga, what's new with the cityhood together with my random thoughts and perceptions about me my beloved city.
My advertiser
Monday, September 27, 2010
Moments with love
Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ko ngayon, halos di ko maipaliwanag ang saya na nararamdaman ko. Siguro marahil sa kausap ko ang aking asawa at nakita ko ang aking mga krayola.
Masaya na ako na nakikita ko sila kahit na sa bintana lang ng aking computer. Gusto ko man silang yakapin ay tanging sa panaginip na lamang yun pwedeng mangyari.
Sinulit ko ang mga sandaling magkausap kami ng aking anak na si Micron, sobrang kulit talaga ng batang ito at nakuha pang makipaglokohan sa akin sa likod ng kamera. Sayang nga lang at di ko nakuhang litratuhan ang kakulitan nya para naman may maipost ako dito kahit paano. Nakapangalumbaba ako na nakatitig sa kanya habang naglalaro sila ng kanyang mama, bigla ko tuloy naisip parang kulang ang ilang araw na inilagi ko sa piling nila dahil hindi man lang kami nagkaron ng oras na magkasatan at magbonding kagaya ng ginagawa nila. Siguro marahil mas madalas pa siyang nasa piling ng tita nya kesa sa akin kaya parang kulang ang mga araw na inilagi ko sa piling nya.
Naalala ko tuloy ang sinabi ko sa asawa ko nung minsang magkausap kami. "Ang layo ng loob ni Mic sa akin" yan ang malungkot kong sabi. Kaya ang hirap pag nalalayo ka sa piling ng mahal mo lalo na at bata pa sila. Kung may pagkakataon lamang ako na umuwi linggo linggo ay gagawin ko para naman mas maging malapit ang loob nya sa akin. Tanggap ko naman na medyo malayo sa akin ang loob ng anak ko dahil sa hindi nya ako araw araw nakakausap at nakakasama, pero masakit din pala kung iyong iisipin.
Nakakatabi ko lang sa pagtulog si Micron kapag natutulog na siya kaya ang gagawin ko na lang ay ang titigan siya habang natutulog at kinakausap ng pabulong dahil baka magising at hanapin si tita nya. Ingat na ingat ako sa pag haplos ng kanyang ulo sa pangambang baka bigla siyang magising. Sapat na sa akin yun kahit sa ganung bagay lang sana maramdaman nya na ako ang papa nya at sana mas maging malapit pa siya sa akin.
Ibang iba naman ang panganay ko, ang aking munting prinsesa - palibhasa'y sa akin lumaki at sa mga hita ko natutulog nung siya'y munting anghel pa lamang. Mas naging malapit siya sa akin at ang naging bonding namin ay ang pagbasa ng libro bago siya matulog nung siya ay maliit pa lamang. Isang kwento isang gabi yan ang usapan namin.
Ngayong malaki na si Ash, hilig nya ang magbigay sa akin ng mga munting likha ng kanyang mga kamay. Naroong ipag gawa nya ako ng drawings o sumulat ng mga katagang "I love you Pa" at nung minsang tinulungan ko siya sa kanyang homework hindi pa siya nasiyahan na sabihin sa akin ang salitang "thank you" Nakuha pa nyang gumawa ng isang sulat na nakasulat ang "Thank you po papa, i love you po" ganyan ka sweet ang prinsesa ko kaya kahit na pasaway yan mahal na mahal ko yan.
Sa katunayan, gabi bago ako umalis ng pinas, humingi siya sa akin ng pera. Hindi ko na tinanong kung aanhin nya at agad ko siyang binigyan. Bumalik siya at patagong ipinakita sa akin ang kanyang binili. Isang kahon ng Krayola na gagamitin daw nya sa eskwela. "Anak bakit di mo sinabi sa akin para ako na ang bumili" ang tanong ko sa kanya. At alam nyo ba kung ano ang sagot nya sa akin? eto:
"Pa, ok lang po yun, alam ko naman po na hirap na kayo magwork kaya po tutulungan ko po kayo papa." Ngumiti na lang ako sa kanya at hinaplos ang ulo nya.
Sa totoo lang ang buong akala ko kaya siya humingi ng pera eh para ibili ng pagkain nya o ng chichiria na paborito nya. Sa murang edad ni Ash naiisip nya na tulungan ako kahit sa munting bagay lang. Sana ganyan siya hanggang sa lumaki siya.
Eto ang ginawa nya gamit ang krayola na binili nya sa perang hiningi nya sa akin:
Maraming mga simpleng bagay ang gngwa ni Ash na sobra kong naaapreciate, mula sa simpleng paglalambing nya hanggang sa mga materyal na ginagawa nya para ipakita ang pagmamahal nya sa amin ng mama nya at kapatid nya.
Salamat sayo munting prinsesa ko...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Share your thoughts...